Thursday, June 13, 2013

10 esterong ‘untouchable’ sinisi sa mabilis na baha


10 esterong ‘untouchable’
sinisi sa mabilis na baha


Ni Eralyn Prado

Inamin kahapon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na 10 estero at creeks ang hindi nila mapasok at malinis dahil sa nakaharang na kabahayan ng mga informal settler.

Itinuring pa ni Tolentino ang sampung esteros at creeks na ito na “untouchable” para sa kanilang isinagawang “Estero Blitz” campaign dahil hindi nila maipasok ang kanilang mga gamit dahil sa mga bahay na mismong nasa gitna ng daluyan ng tubig.

Dagdag pa ni Tolentino, “Ito ‘yung isa sa mga dahilan kaya bumabaha agad kasi nakakapaglinis lang kami sa tabi, ‘yung sa periphery lang at hindi sa gitna mismo”. 

Ang 10 waterways ay ang Estero de Maypajo mula Rizal Avenue hanggang Estero de Sunog Apog na may habang 1.2 kilometro; Estero de Valencia mula Railroad track hanggang G.Tuazon na may habang 1.8 kilometro; Estero de Quiapo mula Soler hanggang Hidalgo Street at Arlegui papuntang Quiapo pumping station na may habang 600 metro; Estero de Sampaloc mula Legarda hanggang Lacson na may habang 200 metro.

Gayundin ang Estero de Alix, mula Legarda hanggang Reten Street na may habang 700 metro; Estero de Pandacan mula Junction (Tripa de Gallina) hanggang Quirino Avenue na may habang 1.2 kilometro; Estero Sta. Clara mula Delpan hanggang Sta. Clara pumping station na may habang 800 metro; Estero de Magdalena mula Soler Street hanggang Bambang na may habang 1.9 kilometro. Estero de San Lazaro mula Antipolo hanggang Estero dela Reina na may habang 2.3 kilometro at Estero dela Reina mula Pritil hanggang Escolta pumping station na may habang 2.1 kilometro.

No comments:

Post a Comment