Monday, May 20, 2013

TAIWAN MALULUMPO KUNG WALANG PINOY Ni Aries Cano, Abante

TAIWAN MALULUMPO KUNG WALANG PINOY
 Ni Aries Cano
 
Mismong ang mga may-ari ng malalaki at maliliit na negosyo at kumpanya at mga indibidwal na employer ng mga Filipino workers sa Taiwan ang tumatanggi sa ideyang pauwiin na ang mga ito sa Pilipinas bilang anyo ng protesta sa napatay na Taiwanese fisherman.
Ang kanilang rason: malulumpo ang kanilang mga negosyo kung gagawin ito.

Kinumpirma mismo kahapon ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Amadeo Perez Jr. ang nakarating na impormasyon sa mga direktor ng tanggapan hinggil sa kinalabasan ng pulong kahapon ng mga negosyante sa Taiwan.

“Unang-una ang atin­g mga Pinoy ay highly skilled, ayaw silang pauwiin ng mga kumpanya roon dahil matitigil ang kanilang operasyon. Totoo ‘yan. ‘Yan nga ang ipinararating sa ating mga director ng MECO,” dagdag ni Perez.

Ganito rin ang impormasyong natanggap ng Migrante International kaugnay ng naganap na meeting ng mga Taiwanese businessmen at employers.

“Sinabi nga ng pinsan ko na nagtatrabaho sa Taiwan na nakausap ko kagabi na nag-meeting ang mga kumpanya, maliliit at malalaking negosyante na nagmamaya-ari ng mga company at napag-alaman nila na hindi raw gusto ng mga employer na umalis ang mga OFWs dahil sa tagal na nila roon ay marunong ng magsalita ng Taiwanese at marunong nang makibagay bukod sa pulidong magtrabaho,” ani Migrante chairperson Garry Martinez.

Kahapon ay nagbukas ng linya ng komunikasyon ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO), counterpart ng MECO, para sa mga Pinoy wor­kers na nakakaranas ng harassment, pananakit at diskriminasyon mula sa kanilang mga kababayan.

Handa umano ang kanilang tanggapan na umaksyon sa lahat ng idudulog na reklamo ng mga ina­agrabyadong OFWs sa kanilang teritoryo.

Sinabi pa ng TECO na hindi umano isinasantabi ng kanilang pamahalaan ang naging ambag ng mga Pinoy workers sa paglago ng kanilang ekonomiya.

Maaari umanong makipag-ugnayan sa Council of Labor Operation ng Taiwan na bukas 24-oras ang sinumang magpapasaklolong Filipino sa pamamagitan ng ibinukas na “Counseling and Protection Hotline” sa local number na 1955.

Kinumpirma rin kahapon ni Perez na, “Sa nga­yon po napakamaraming pulis, makikita ang police visibility sa mga lugar na nakakatanggap ng rekla­mo ng hindi magandang pagtrato sa mga kababayan nating naroroon.”

Kasabay nito, mariing itinanggi ng MECO ang ulat na mayroong namatay na kababayan sa nangyayaring ‘hate crime’ sa Taiwan.

“Uulitin ko wala ring katotohanan ang balitang may namatay na Pinoy,” diin ni Perez habang mariin ding itinatanggi ang alegasyong pinaaatras diumano nila sa pagrereklamo ang mga naospital at nasak­tang OFWs sa katwirang “para huwag nang lumaki ang gulo”.

“Hindi po totoo ‘yan. Sa katunayan ang lahat ng kaso na ito ay ipinaabot natin sa pulisya. Hindi po totoong sinasabihan ang mga kababayang iurong ang reklamo, wala pong ganyan,” pagli­linaw ng opisyal.

No comments:

Post a Comment