Wednesday, March 19, 2014

Paglusob ng China ‘di papayagan ng ‘Pinas (Bernard Taguinod/Boyet Jadulco) Abante Tonite 20 March 2014

Custom Search
Paglusob ng China ‘di papayagan ng ‘Pinas
(Bernard Taguinod/Boyet Jadulco)
Hindi papayagan ng Pilipinas na lusubin ng China ang Ayungin Shoal dahil ipagtatanggol ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang tiniyak kagabi ni Presidential Communication Operation Office (PCOO) Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr.

“Patuloy ang pagiging mapagmasid at maagap ng ating sandatahang lakas upang ipagtanggol ang Ayungin Shoal,” pahayag ni Coloma.

Ginawa ni Coloma ang pahayag bilang reaksyon sa babala ni dating Parañaque Rep. Roilo Golez na posibleng lusubin at okupahin ng China ang Ayungin Shoal.

Pinapalayas ng China ang puwersa ng Pilipinas sa nasabing isla na bahagi ng Kalayaan IslandGroup na pawang nasa loob ng teritoryo ng Pilipinas.

Unang inakusa­han ng China na nagpo­provoke ang Pilipinas dahil hindi inaalis ang barkong sumadsad sa Ayungin Shoal.

Subalit ayon sa Palasyo, pag-aari ng Pilipinas ang Ayungin Shoal at pinagtibay ito sa Declaration of Conduct of Parties sa South China Sea na nilagdaan ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) noong 2002.

“Patuloy din ang panawagan natin sa mga kapit-bansa na pairalin ang UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea),” ayon pa kay Coloma.

Nauna rito, nag­babala si Golez sa posibleng paglusob ng China sa Ayungin Shoal upang okupahan ang nasabing teritoryong binabantayan ng ating mga sundalo.

Sa pag-aanalisa ni Golez, dating chairman ng house committee on national defense and security at nagsilbing NSA chief noong nagdaang administrasyon, ngayon na ang “window of opportunity” ng China para palayasin ang Marine detachment na nagbabantay sa sumadsad na barko sa Ayungin Shoal.

Magiging sisiw lang umano sa China ang pagpapalayas sa ating Marine battalion doon kumpara sa madugong pagsakop nila sa Paracels na hawak ng Vietnam noong 1974 gayundin ang naval encounter sa Johnson Reef noong 1988 kung saan tatlong barko ng Vietnam ang lumubog at higit sa 80 marinong Vietnamese ang namatay.

Aniya pa, posibleng gawin ng China ang pag­lusob bago ang implementasyon ng Agreement on Enhanced Defense Cooperation na magbi­bigay ng pahintulot sa Amerika na ma-access ang mgamilitary base ng Pilipinas.

Oras na ma­okupahan ng China ang Ayungin Shoal, ayon pa kay Golez, isusunod na ang Recto Bankdahil matagal na silang naglalaway dito bunga ng malaking oil reserve nito. 

No comments:

Post a Comment